Sunday, October 7, 2012

Lolaaaaaaaa!

Nasabi ko na ba sa inyong lola's girl ako? Spoiled ako sa lola ko. Lahat ng gusto ko, binibigay niya. Mahal na mahal ko siya at ganon din naman siya sa akin.

Tuwing bakasyon, nasa kanila ako. Agahan namin ay noodles na may itlog, favorite ko. Tanghalian namin ay, dinuguan. Meryenda namin ay minatamis na saging. Sa totoo lang, tuwing bakasyon, nagiging bilugan ako. Sarap na sarap ako kumaen pag siya ang nagluto. Siya lang nakakapagpakain sa akin ng gulay at isda. Laging may mangga at ice scramble o kaya ice candy at ang paborito naming "jolly" sa hapon. Enjoy na enjoy ako pag bakasyon dahil nasa kanila ako. Pwede ako maglaro sa labas kasama mga kababata ko. Uuwi lang ako ng bahay para maligo at kumaen. Maligo sa dagat at magbilad sa arawan. Alam ko kasing pagbalik ko sa syudad, libro na naman ang kaharap ko.

Lumalaki na ako. Nadadagdagan na kaming mga apo niya. Madalang na kami umuwi sa kanya. Nararamdaman kong hindi na ako ang paborito niya. Nagselos ako. Nagpaliwanag siya at tinanggap ko. Nagkaron ako ng kaunting tampo sa kanya. Hinayaan ko. Sabi ko pa sa sarili ko "Bahala ka"

Nagkasakit siya, andun ako. Sa bawat problema ko, nakikinig siya. Sa mga masasayang araw ko, andun siya. Pag siya humiling, ginagawa ko. Minsan hiniling ko sa Diyos, "Sana nanay ko na lang siya." Siya lang kasi ang nakakaintindi sa akin. Siya lang ang kakampi ko. Siya lang ang ready makinig sa akin.

Nung nilisan niya ang mundo, andun ako. Ang sakit - sobrang sakit. Nawalan ako ng taong magcocomfort sa akin pag malungkot ako. Nawala yung taong proud na proud sa akin kahit di ko nakakamit yung expectations niya. Nawala yung kakampi ko. Nawala yung taong alam kong naging malaking bahagi ng buhay ko.

"Lola. Hirap na hirap na ako ngayon. Wala ako masabihan ng problema ko. Alam kong mas madali na dapat ngayon kasi nasa tabi lang kita. Pero alam mo yung feeling na gusto mo may nakikita kang nakikinig sayo. Na yayakapin ka pagkatapos mo magkwento at sasabihan kang "tahan na" Bukas pupuntahan kita. Kahit sa labas na lang ako ng bago mong bahay dahil wala akong susi, okay lang. Alam ko namang alam mo po ang pakiramdam ko ngayon. Uulitin ko ito sa inyo bukas. At sana gumaan na pakiramdam ko."

No comments:

Post a Comment